
Paliparan, para sa akin ito ay isang lugar na kung saan ang mga halo-halong emosyon ay talagang umaapaw. May lungkot na kasama ang mga paalam sa pagitan ng mga kaibigan, mga magulang at mga anak, mga magkasintahan, kahit isang aso at may-ari nito. May pananabik sa isang ina na naghihintay sa kanyang anak na dumating at mayakap siya. Ang pagkagalak ng isang bagong kasal na muling makita ng kanyang kabiyak mula sa isang linggong paghihiwalay. Ang mga plakateng mababasahan ng “welcome home” na iwinawagayway habang kakikitaan ng pananabik ng may hawak nito – ay palaging nagdudulot ng ngiti sa akin.
Sa mga muling pagkikita, yaong sa pagitan ng isang ama at ng kanyang mga anak ang pinaka-pamilyar sa akin. Hindi bago sa akin ang paghahatid at pagsundo sa paliparan. Bata pa lamang ako ay ganoon ang aming gawi. Hindi ang memory ng pamamaalam sa aking ama ang pinakamasaya ngunit palagi ko iyong natatandaan. Magbibilang ng mga taon at araw bago siya bumalik. Naghihintay na sa muling pagpunta namin sa paliparan ay upang sunduin siya. Sa panahong iyon, nasasabik at masaya akong makita siyang kumakaway sa amin, at siguradong ganoon din siya. Naghihintay na makauwi pagkatapos ng ilang taon sa malayong lungsod.
Ang pananabik na nadama ko noon ay ang parehong pagkasabik na nakita ko sa aking mga anak habang naghihintay sa kanilang ama. Sila ay naiinip, binibilang ang bawat minuto, naghihintay na sa pagbukas ng malaking pinto ay ang kanilang ama na ang lalabas doon….Sa wakas siya na nga… tuwang tuwa silang sumalubong at yumakap ng mahigpit sa kanya. Tatlong linggo na sila ay hindi nagkita. Iyon ang mga mumunting pagkakataon na makikita ang pag-ibig, pawang pag-ibbig at araw araw, makikita at mararamdaman iyan sa mga paliparan.
–
Litratong Pinoy